Tanong…
This post is dedicated to my kumare… You know who you are…
![]()
May mga pagkakataon na napapatanong tayo sa ating sarili. “Masama ba ko?”
Madalas nakakaramdam tayo ng ganito pag depressed tayo o di kaya’y nakakaramdam ng kakulangan… Sa sarili… Sa paligid… Sa buhay… Pag meron tayong nais makamit na hindi matupad-tupad. Pag may mga pangyayaring hindi natin gusto. O mga tao sa buhay natin na nagpasyang talikuran tayo. Napakalaki ng posibilidad na sisihin natin ang ating sarili. At don tayo mapapaisip… Bakit nangyayari ang mga bagay na to? Ako ba ang may kasalanan? Mali ba ko? Masama ba ko? Kung hindi natin alam kung sino ang sisisihin, sarili natin ang pagbubuntunan. Aakuin natin ang pagkakamali kahit hindi naman dapat. Kelangang masagot ang mga tanong sa ating isipan, pero hindi natin alam kung saan hahanapin ang sagot. Kaya nagkakaroon tayo ng ideya na siguro nasa akin ang diperensya. Siguro nga mali ako. Siguro nga masama ako.
At dahil sa paniniwalang yan, nawawalan tayo ng tiwala sa sarili. Pilit nating isisiksik sa utak natin na wala tayong kwenta… Kaya hindi natutupad ang mga pangarap natin… Kaya nawala ang taong mahalaga sa atin.. Kaya may mga pangyayaring hindi ayon sa ating kagustuhan… Kaya tayo nasasaktan…
Pero bat nga ba tayo nasasaktan? Dahil nga ba sa masama tayo? O mali tayo? O dahil yun ang nakatalagang mangyari? Sabi nga, tayo ang gumagawa ng ating kapalaran. Kaya kung anuman nangyayari sa buhay natin, kagagawan din natin yun. Life is a choice. Nasasayo kung ano ang pipiliin mo. Gusto mo bang maging masaya? Siyempre! Sino ba naman ayaw. Pero sa mga bagay na dapat pagpilian, minsan hindi lahat masaya ang kalalabasan. Minsan kelangan magsakripisyo. Minsan mali tayo ng pinipili. Minsan sadyang wala tayong pakialam. Sige lang ng sige. Pagdating ng oras, saka tayo magsisisi.
Ano bang dapat gawin pag nakaramdam tayo ng sakit? Kung sakit sa katawan yan, madali lang, magpatingin sa doktor. Kung sakit sa utak, ganon din, doktor din ang kasagutan diyan. Pero kung sakit sa damdamin, yan ang medyo mahirap gamutin. Merong mga espesyalista para dyan. Pwede tayong lumapit sa kanila at hingin ang kanilang propersyunal na payo. Pero hindi lahat ng tao ay kayang gawin yun. At sabihin na nating, hindi pa uso sa Pinas yun. Pag nagpatingin ka sa mga psychologist o psychiatrist, andyan ang connotation na may diperensya ka sa utak. Pero mali yun. Siguro hindi pa ito ang panahon para lubos na maunawaan ng mga Pinoy ang silbi ng mga propesyon na to.
Kaya madalas sa hindi, sinasarili lang natin ang mga problema, sama ng loob at sakit ng damdamin na ating pinagdadaanan. Masuwerte tayo kung may mga kapamilya o kaibigan tayong napagsasabihan. Kasi importante na mailabas natin ang ating nararamdaman. Wala mang maibigay na matino o “tamang” payo ang taong nilapitan natin, ang mahalaga, marunong siyang makinig. At yun lang ay sapat na para maibsan ang anumang masama o masakit na nararamdaman natin.
Kung wala tayong matakbuhan sa mga oras ng pangangailangan, lalo pa at kelangan natin ng mahihingahan ng mga sama ng loob… Ng mga hinaing natin sa buhay… Kung walang nais makinig sa mga sintemyento natin… Mas lalo tayong nakakaramdam ng awa at pagkamuhi sa ating sarili. Lalong tumitibay ang paniniwala na, “masama nga ako!” dahil pakiramdam natin, walang nais dumamay… Walang nagpapahalaga… Na balewala ka lang…
Pero minsan naman, may mga tao na imbes magmukmok at maawa sa sarili, ay gumaganti. Kung anuman o sinuman ang dahilan ng kanyang sakit na nararanasan, ay kanyang susuklian ng katulad na sakit. Masasabi kong “normal” lang ito. Kasi likas sa tao ang protektahan ang sarili. Sino ba naman may gustong masaktan. At sa oras na makaramdam na tayo ng sakit, lalo tayong tumatapang… Lalong tumitindi ang nais na patunayan ang sarili. At minsan nga, nagagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-ganti. Dahil sa sakit na naramdaman, gusto nating ipakita na “hindi ako karapat-dapat sa sakit na binibigay mo…at kaya ko rin iparamdam yun sayo.”
Pantay-pantay. Patas ang laban. Lahat may karapatan. Subalit hindi ko sinasabing may karapatan tayong manakit. Karapatan nating gumanti. Pero sa ating pag-ganti dapat alam natin ang limitasyon. Alam natin kung tama pa ba ang ginagawa natin. May rason at basehan pa ba? O nagpapadala na lang tayo sa ating emosyon. Dahil kung ganon, dapat na nating pigilan ang ating sarili. Pag panay emosyon na ang pinagana natin, madalas nawawala tayo sa katinuan at hindi natin napagtatanto na mali at sobra na ang ginagawa natin. Kumbaga hindi na para ipagtanggol o protektahan ang sarili sa mga mapang-abuso kundi sadyang gusto lang nating manakit. At yun ang masama.
Parang boksing ba… Pag sinuntok ka, kelangan mo ring gumanti ng suntok, kung hindi matatalo ka… Pero kahit pwede kang gumanti, merong limitasyon… “no hitting below the belt”. Pag don ang tinira mo, hindi ka gumaganti ng tama, nandadaya ka… O di kaya’y umaabuso ka. At yun ang masama.
Lahat ng tao ay likas na mabuti. Napapasama lang tayo ng mga pagkakataon at mga pangyayari. Kung tingin natin sa sarili natin ay masama, huwag na tayong magtaka na ganon din ang tingin satin ng iba.
Sa mga pagkakataong nakakaramdam tayo ng pagdududa sa sarili, mahalagang humanap ng taong makakausap. Isang tao na kayang sabihin hindi lang kung ano ang GUSTO mong marinig, kundi kung ano ang DAPAT mong marinig. Minsan, para matauhan, kelangan din natin ng taga-batok sa atin.


RSS - Posts





thAnk yOu
i replied to this post a few weeks back.. ewan ko bat di na-post.. this is what i said..
– at talagang in-acknowledge mo yung dedication ko ha?.. haha.. nawala tuloy yung mystery.. eh di pwede ko na pala i-edit yung intro ko..
i cannot handle others telling me i’m wrong. that’s my greatest weakness.
love,
nobe
http://www.deariago.com
http://www.iamnobe.wordpress.com
hi nobe!.. sorry, just checked my spam folder.. kaya ngayon lang na-aaprove tong comment mo.. i think it’s because of your links.. kaya ka napupunta sa spam.. nwei, il make it a habit to check the spam folder para sa mga naliligaw na comments..